Skip to main content

Ang inyo pong lingkod, FERNANDO BALONG BALIAO, JR. , ay naghahain ng sarili sa pagka-konsehal ng Sangguniang Bayan


Minamahal kong bayan ng Sablayan, ang inyo pong lingkod, FERNANDO BALONG BALIAO, JR. , ay naghahain ng sarili sa pagka-konsehal ng Sangguniang Bayan.
Sa loob ng labing-apat (14) na taon ko sa serbisyo publiko, ito na marahil ang pinakamalaking hamon na kinakailangan ng buong pusong desisyon — ang lumaban sa mas mataas na posisyon.
Ang bayang ito ay ang aking tunay na tahanan. Ito ang humubog sa akin mula pagkabata hanggang sa ngayong ako ay kabilang na sa mga nanunungkulan. Sa Barangay San Vicente ako isinilang, nag-aral, at nagkapagtapos ng elmentarya at sekundarya.
Ipinagpatuloy ko ang aking kolehiyo sa bayan ng Cagayan. At nang matapos ako taong 1983, napag-isip-isip ko na magbigay ng bahagi ng serbisyo sa ating bansa, kaya naman pumasok akong muli sa Philippine Military Academy (PMA) sa Camp Gamu Isabela. Pinalad akong nakapagtapos taong 1991.
Nang muli akong bumalik dito sa aking bayang sinilangan, naroon ang aking pagkasabik na magbigay ng ambag para sa ikauunlad nito. Sa tulong nga ng aking mga kaibigan, kakilala, at kamag-anak, ako ay sinuportahan sa aking hangarin. Taong 2007 nang ako ay tumakbo at manalo sa pagkakagawad ng Brgy. San Vicente.
Nang matapos ang aking termino sa konseho taong 2010, lumaban ako sa mas mataas na posisyon — ang pagkakapitan. At ako nga ay nagwagi. Ramdam ko na ito ay kagustuhan ng Diyos na ako’y makapaglingkod pa sa aking mga kabarangay. Ang aking pagkapanalo sa labang iyon ay katunayan na ako ay mahal na mahal ninyo.
Ito nga ang nag-udyok sa akin upang mas lalo ko pang pagbutihin ang paglilingkod para sa ikabubuti at ikauunlad pa ng ating bayan.
Mas nakatataba ng puso sapagkat ang inyo pong lingkod ay nahalal rin ng mga kapwa ko mga kapitan bilang Association of Barangay Captains (ABC) President ng ating bayan upang mamuno sa naturnag samahan. Ang nag-uumapaw na suporta hindi lang ng kabarangay ko, bagkus ng aming samahan ang mas nagbibigay ng lakas ng loob sa aking paglingkuran kayo, Sablayenos.
Sa aking panunungkulan sa serbisyo publiko, ang aking tanggapan ay nakapag-akda ng 7 ordinances at 23 resolutions. Ang mga ito ay produktibong tumatalakay sa mga isyu at pangangailangan ng atin mga kababayan.

Asahan po ninyo na aking ipagpapatuloy ang aking nasimulan sa paglilingkod sa bayan ng Sablayan at para sa ikabubuti ng ating mga mamamayan.
Muli po, salamat sa inyong nag-uumapaw na pagmamahal at suporta. Pagpalain po tayo ng Amang Lumikha.

Official Website of Sablayan Legislative Office