AYUDA AT UGNAY- KONSULTAHAN ISINAGAWA SA SITYO TABUK


Pinangunahan ni Gobernador Eduardo B. Gadiano ang pagkakaloob ng 1,200 relief packs na tulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oksidental Mindoro sa pamamagitan ng Provincial Disaster and Risk Reduction Management Council at Provincial Social Welfare and Development Office sa mga naninirahan sa Sityo Tabuk, Barangay Buenavista, bayan ng Sablayan at mga apektado ng bagyong Fabian at pinalakas ng habagat, Hulyo 25.
Bilang dating Punong Bayan ng Sablayan, batid ng Gobernador ang pangangailangan ng mga taga- Sityo Tabuk at ito ang kanyang kagyat na tinugunan. Sa kanyang mensahe, binigyang diin ang kahalagahan ng pagtutulungan sa panahon ng kalamidad. Isang kulturang nananalaytay sa dugo ng mga Pilipino.
Ayon kina Punong Barangay James R. Zubiri at Kagawad Auring B. Alburo, napapanahon ang tulong dahil sa marami sa mga mangingisda sa lugar ang hindi pa nakakapaglaot dahil sa lakas ng alon. Sa dagat lamang anya sila umaasa ng ikabubuhay at kapag nasa halos 1 linggo nang hindi nakakapangisda, marami sa kanila ang hindi na kumakain ng 3 beses sa 1 araw.
Tumulong din si Leody “Odie” F. Tarriela sa relief mission. Bilang taga- Sablayan at handa nang maglingkod sa Oksidental Mindoro, minabuti niyang mag- ambag sa abot ng kanyang makakaya at para sa pangangailangan ng kanyang mga kababayan. Kaisa din sa tagumpay ng programang Ganado ang Rotary Club No. 3810 Sablayan Metro sa pamumuno ni Life Changing President Manuel P. Tadeo at ang Rotaract Sablayan.
Naging bahagi din ng relief mission sina Bise Meyor Bong B. Marquez, Board Member Edwin N. Mintu, Sangguniang Bayan Alfredo C. Ventura, Jr., Robert Z. Dawates, Mark Anthony O. Legaspi, Marffin B. Dulay, PGO Sablayan Office- Executive Assistant, PMAJ Clarinda A. Lorenzo, PGO Consultants Manuel P. Tadeo, Fernando B. Dalangin at Conchita H. Dimaculangan.
Kaalinsabay din nito ang pakikipag-ugnay at konsultahan nina Marquez, Mintu at ng grupo sa mga mangingisda kung saan naipaabot sa kanila ang pangangailangan ng sea wall para sa proteksyon ng mga residente laban sa malalakas na alon. Hindi anyang maituturing na tugon sa kaligtasan ng mga tao ang relokasyon sa malayo sa kanilang hanapbuhay at kabuhayan.
Nangangamba din ang mga taga-Tabuk sa mas malalang delubyo sakaling mapalayo sila sa dagat at matuloy ang nakaamba at planong demolisyon.
Napag- usapan din ang isyu ng pangulong at pagdami ng mga mangingisdang taga- Palawan na ayon sa Pangalawang Alkalde ay hindi naman dapat suliranin kung maipapatupad lamang ang mga polisiyang pambayan at batas nasyunal na nagtitiyak sa proteksyon ng mga mangingisda at ng Inang Kalikasan.

« of 2 »

© | Sangguniang Bayan ng Sablayan, Occidental Mindoro
All rights reserved. Powered by
Back to Top
Official Website of Sablayan Legislative Office