
FLAG CEREMONY, ISINAGAWA MULI
Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng dalawang buwan ay muling nagsagawa ng seremonya ng bandila ang Lokal na Pamahalaan ng Sablayan, Marso 7, 2022, sa harap ng Gusaling Bayan nito. Huling nagsagawa ng programang pang- Lunes ng umaga noong nakaraang Enero sanhi ng pandemya.
Pinangunahan ni Vice-Mayor Bong Marquez ang buong puwersa ng Sangguniang Bayan (SB) na kumpletong dumalo sa nasabing okasyon.
Sa pamamagitan ng aktibidad ay nag-ulat ang bawat mga hepe ng departamento hinggil sa kani-kanilang mga tanggapan at kinilala din ang mga bagong talagang empleyado. Nagkaroon din ng paggawad ang Sangguniang Bayan ng parangal sa Sablayan Municipal Police Station (SMPS) sa pamumuno PTLCOL Allan F. Montillana at Ms. Lorna Soguillon na empleyado ng MSWD ukol sa pagkakasauli ng malaking halaga ng pera mula sa may-ari.
Sa kanyang pagbabahagi, ibinalita na VM Bong ang resulta ng kanilang ginawang best practices exposure sa Western Visayas kamakailan na kung saan ay isinabay nila ang kanilang Annual Assessment. Kabilang sa mga balakin ang pagtatalaga ng mga pagpapataas ng antas ng turismo para lalong tumaas ang local revenue ng munisipyo.
Gayundin ang pagtatag ng tinatawag na Ordinance Police na siyang mag-i-emplement at mag-i-enforce ng mga lokal na batas na hindi natutugunan ng mga kinauukulan. Paglalagay ng kaukulang pondo para sa Collective Negotiation Agreement (CNA) na magbibigay-biyaya sa mga kawani ng LGU sa pamamagitan ng Association of Unified and Responsible Employees (ASURE) na akreditado ng Civil Service Commission (CSC).
Sa kauna-unahang pagkakataon ay ipinakilala din ni VM Bong ang bagong pili na Indigenous People’s Mandatory Representative (IPMR) ng Sablayan si SB Abraham R. Padua na isang Tao-Buid Mangyan.