
KONSEHAL GREG AGUILAR VILLAR, patuloy na magiging kaisa ninyo
I believe in selfless love and service to the people. [Naniniwala ako sa walang pag-iimbot na pag-ibig at serbisyo para sa mga mamamayan].
Tangan ko ang makabuluhang pangungusap na ito buhat sa aming Philippine National Police (PNP) Code of Professional Conduct and Ethical Standards magpahanggang sa ngayon kahit ako ay retirado na sa serbisyo. Sa loob ng tatlumput dalawang (32) taon ko bilang dating pulis, masasabi kong ito ang nagbigay sa akin ng masidhing dahilan upang pumasok sa pulitika para maipagpatuloy at yakapin pa ang pagbibigay serbisyo sa mga mamamayan ng Sablayan.
Naniniwala ako sa kapangyarihan ng aking mga karanasan bilang nasa hanay ng mga tagapagpatupad ng batas. Nagsimula ako sa pagiging patrolman. Ngunit bunga ng pagpupursige sa pag-aaral habang nasa serbisyo, aking natapos ang Fourth Level Incident Command System. Ito ang nagbigay ng mas malawak na oportunidad sa aking karera hanggang sa ako ay maitalagang Chief of Police sa ibat ibang bayan sa ating bansa:
Bayan ng Looc, Occidental Mindoro (1999);
Bayan ng Lubang, Occidental Mindoro (2000),
Bayan ng Sibugay, Zamboanga (2005-2006);
Bayan ng Sablayan, Occidental Mindoro (2006-2009);
Bayan ng Calintaan, Occidental Mindoro (2010);
Bayan ng Mamburao, Occidental Mindoro (2012);
Bayan ng San Jose, Occidental Mindoro (2014); at
Hanggang sa naging Chief of Police Community Relations ng buong Occidental Mindoro (2016-2018).
At sa aking paglilingkod bilang pulis, nakita ko ang pangangailangan ng ating mga kababayan lalo na sa usapin ng kaligtasan at kaayusan. Mga bagay na nangangailangang lapatan ng mga ordinansa o batas upang maisakatuparan ito.
Taong 2018, ako ay tuluyang nagretiro sa serbisyo bilang Police Colonel. Sa totoo lang po, ang umaalab na apoy ng paglilingkod na nasa aking puso ay hindi kailanman maaapuhap at maaawat. Alam ko na may malaki pa akong gampanin sa bayan at maiaambag para sa ikabubuti ng marami.
Kaya naman noong taong 2019, kumandidato ako bilang konsehal ng bayan ng Sablayan at ako po ay nagwagi. Sa inyo pong suporta at pagmamahal ay hindi lamang katuparan ng aking mga pangarap, bagkus katuparan ng mga pangarap ng Sablayenos. Magpahanggang sa ngayon ay baon ko po ito, at sobrang nakakataba ng puso.
Sa unang mga buwan nga ng aking panunungkulan, una kong pinagtuunan ang pagsasabatas na maging 24 oras ang serbisyo ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa ating bayan. Ito ay upang ang ating mga kababayan ay may matatawagan at masasaklolohan sa oras ng mga mapaminsalang sakuna, dahil ang akin pong mithiin ay mapag-ingatan ang buhay ng ating mga mamayan.
Akin ring pinangunahan ang isang resolusyon na ang Municipal Police Station ng Sablayan na dating Type B ay maingat sa antas na Type A. Ito ay nangangahulugan para sa karagdagang police force upang lalong mabigyang proteksyon at seguridad ang ating bayan.
Ilan lamang po iyan sa mga katuparan ng aking pangako at pangarap . Marami pa po tayong maaaring gawin para sa kapakanan ng ating mamamayan. Buong puso nating pagsikapan na makamit ang pangarap nating tuloy-tuloy na pag-unlad ng ating minamahal na Bayan ng Sablayan.
Kaya naman, ako po si KONSEHAL GREG AGUILAR VILLAR, patuloy na magiging kaisa ninyo para sa pagtupad nito at patuloy na pag-iingatan at paglilingkuran kayo.