
MGA KATUTUBO, LUMIKAS DAHIL SA ENKUWENTRO
Humigit-kumulang sa 400 na mga pamilyang Mangyan mula sa tribong Tao-Buid ang lumikas sanhi ng umano ay enkwentro sa pagitan ng mga sundalo na kabilang sa 76th Infantry (Victrix) Battalion at ng mga armadong rebeldeng New People’s Army o NPA sa Sitio Tiyabong, Brgy. Ligaya, Sablayan, Occidental Mindoro, Hulyo 17, 2022.
Nasawi sa nasabing armadong sagupaan ang lider katutubo na si Kapitan Dante Yumanaw na umano ay tinamaan ng ligaw na bala sa nasabing bakbakan na naganap sa nasabing lugar.
Ang mga katutubong nagsilikas ay mula sa iba’t-ibang katutubong pamayanan na sakop ng bulu-bunduking lugar na hindi lamang sakop ng Ligaya kundi ng Brgy. Burgos.
Isang relief mission ang inilunsad ng tanggapan ni Mayor Walter B. Marquez at ng MSWDO at namahagi ito nang may 400 na mga food packs. Personal na nagtungo roon si Mayor Bong at sinuong ang rumaragasang agos ng ilog, malakas na ulan at maputik na daan.
Kasama sa misyon sina DSWD SWOII Leona Nova D. Magracia, PDO Rafael Joseph D. Gaan at Kurtney Love Samson na namahagi ng 250 DSWD packs. Nanguna sa pamamahagi ng pansamantalang ayuda sina SWDO Marie Joi S. Angway at Philippine Army 2LT April Ness A Aguaviva.