
Mga Lider ng Taobuid ng Sablayan at Calintaan, Humiling ng Patuloy na Agapay – Hon. Bong Marquez
Nagkaroon ng pangkalahatang pagkilos ang buong organisayon ng pangkating-tribu ng Taobuid Mangyan na Fakasadian Mangagoyang Tau-Buid Daga, Inc. o FAMATODI sa pamamagitan ng isang Pangkalahatang Pulong sa So. Malatongtong, Brgy. Burgos, Sablayan, Occidental Mindoro, Enero 7, 2022.
Ang mga punong tribu at lider pamayanan ng Taobuid mula sa bayan ng Calintaan at Sablayan ay nakipagpulong kina Gov. Ed Gadiano, Vice-Mayor Bong Marquez at SB Aspirant Nanding Dalangin ng Sablayan, Vice-Mayor Dante Esteban at Konsehal Ronaldo “Andoy” Paglicawan ng Calintaan.
Tampok sa kanilang adyenda ay ang ganap na pagkakaroon ng CADT o Certificate of Ancestral Domain Title upang tuluyan nang maigawad sa kanila ng pormal ng pamahalaang pambansa ang karapatan na magmay-ari ang mga katutubo ayon sa Batas IPRA.
Tinalakay din dito ang kahilingan ng mga pamayanang katutubo sa dalawang bayan ang panukalang daan paikot ng buong katutubong pamayanan ng Sitio Malatongtong sa Brgy. Burgos at Sitio Balani sa Brgy. Ligaya, Sablayan, gayundin ang kahilingan nila sa dagdag na suportang pang-agrikultura sa mga katutubo.
Hiniling rin ng mga lider ng Tagmaran Mangyan Taobuid Administrative Unit ang tuluyang pagpu-pondo sa sangay administratibo, gayundin ang pagtitiyak ng patuloy na suportang pangkabuhayan para sa buong tribong matatagpuan sa dalawang bayan ng Sablayan at Calintaan. Kasama rin sa napag-usapan ay ang pagpapatuloy ng propagasyon at pagtatanim ng niyog para sa pagtatatag ng niyugan sa kanilang pamayanan.
Naniniwala ang mga katutubo na sa pamamagitan ng patuloy na pag-agapay ng pamahalaang lokal, na ayon sa kanila na noon pa man ay ipinamamalas na sa kanilang tribo ni Gov. Ed at VM Bong, na magiging daluyang ang mga serbisyong ito ng mabilisang pagtulong sa mga katutubo at paglapit ng pamahalaan sa mga pamayanan sa kataasan.
Ayon kay VM Bong, patuloy siyang magiging kabalikat at katuwang sa inspirasyon ng mga katutubo lalo na sa mithiing magkaroon sila ng pantribong pagpapasya at pagkakamit ng mga karapatan bilang mga mamamayan din tulad ng mga taga-patag. Tiniyak naman ni Gov. Ed na ipagpapatuloy niya ang lahat ng kanyang naumpisahan para bigyang-kapangyarihan ang mga katutubo at bigyan ng puwang sila sa mga programa ng pamahalaang panlalawigan.
Ayon naman kay Peping Poyngon na pinuno ng Tagmaran, may halalan man o wala, si VM Bong at si Gov. Ed ay palagiang dumadalaw, masungit man ang panahon o hindi, upang damhin at tugunin ang mga kahilingan ng mga Taobuid. Tiniyak kapwa nina VM Bong ng Sablayan at VM Dante ng Calintaan na walang humpay silang tutulong at magbibigay gabay sa mga katutubo sa abot ng kanilang makakaya sa atas ng kanilang katungkulan.