MR. ILOVEYOU AT YOUR SERVICE PO


Sadya nga yatang nasa dugo at puso na namin ang serbisyo publiko sapagkat ako po ay nagmula sa angkan ng mga pulitiko. At dahil ako ay maagang namulat sa larangang ito, masasabi kong ako ay hinulma ng kanilang mahuhusay na panunungkulan.
Ako ay nag-iisang anak na lalaki nina dating Konsehal ng Sablayan, Lhuz Ani Dawates, at ang kasalukuyang kapitan ng Barangay Ligaya na si Ruel Santos Dawates. Ang aking parehas na lolo sa aking mga magulang ay kapwa nanungkulan sa bayang ito — si Lolo Ano Ani na siyang nagsilbi bilang kapitan ng Brgy. Ligaya sa loob ng dalawampung taon (20 years), at ang aking Lolo Roming Dawates na naging Konsehal naman ng Sablayan.
Ako po ay nakilala na malapit sa aking mga kapwa kabataan. Ito ay marahil sa pagiging aktibo kong manlalaro sa larangan ng basketball sa ibat ibang barangay at bayan sa nakalipas na mga taon.
Ako rin po ay sadyang malambing dahil ako po ay laking nanay. Nakakatuwa nga sapagkat nakakabit na sa pangalan ko ang bansag na Mr. Iloveyou. Madalas ko kasing linya ito sa aking mga talumpati. At sa totoo lang, ang mga salitang “I love you” ay buong pusong para sa mga kabataan at mamamayan ng Sablayan. Mahal na ang ibig sabihin ay may pakialam po ako sa sitwasyon, hinaing, at kalagayan ninyo.
Una akong sumabak sa mundo ng pulitika noong taong 2008 bilang SK Chairman ng aming barangay, ang Barangay Ligaya. Hindi po ako pinalad na manalo, ngunit hindi doon huminto ang aking pagnanais na makapaglingkod sa bayan. Nakalipas ang ilang taon, matapos magpakadalubhasa sa aking pag-aaral at propesyon, sumabak ako sa ikalawang pagkakataon noong Halalan 2019 bilang konsehal ng bayang ito. Sa puntong ito, ako ay nagwagi at nakalikom ng 12,874 na bilang ng boto.
Hanggang sa ngayon, lubos-lubos po ang aking pasasalamat sa inyong pagtitiwala at pagsuporta sa akin. Muli po, maraming maraming salamat po! Tunay na nakakataba ng puso!
Sa aking unang beses na pag-upo bilang konsehal na bayang ito, ako po ay naging Chairman ng isa sa pinakamabigat na Committee, ang Committee in Housing and Land Use. Ito ay patungkol sa mga isyu at problema sa mga lupain. Nakakatuwang ibalita sapagkat tayo po ay nakapagtala ng mahigit isang daan (100) na Committee hearings para dito.
Ang akin rin pong tanggapan ay nakapagpanukala ng isang ordinansa na naglalayong maging bukas para sa publiko ang mga impormasyon at transaksyon ng ating pamahalaan. Ito po ay ang Freedom of Information (FOI). Atin pong napanukala ito sa aking unang isang daang araw (100 days) na pagkahalal bilang konsehal.
Bilang konsehal nga ng ating bayan at kinatawan ng konseho, ako po ay mapalad na nahalal bilang isa sa mga Board of Directors ng Philippine Councilors League, Occidental Chapter.
Ang lahat ng iyan ay bahagi lamang ng pasasalamat ko sa inyong suporta at pagmamahal. At handang-handa pa rin po ako sa susunod na mga taon bilang kaisa ng konseho ng bayang ito
Sabi nga po ng aking nawalang lodi na si Kobe Bryant, The important thing is that your teammates have to know youre pulling for them and you really want them to be successful. Bagaman ako po ang pinakabata na miyembro ng Sanggunian, akin pong patuloy na sinisikap na tuparin ang aking sinumpaang tungkulin sa bayang at sa inyo mga mahal kong Sablayenos. Asahan po ninyo na ang inyong KONSEHAL JB DAWATES ay patuloy na magiging instrumento para sa ikabubuti ng buhay hindi lamang ng mga kabataan kundi ng bawat Sablayeno. Tayo po ay magkakampi at magtutulungan para sa pag-unlad ng bawat isa at sa patuloy na kaunlaran ng ating bayan.

MR. ILOVEYOU AT YOUR SERVICE PO.


© | Sangguniang Bayan ng Sablayan, Occidental Mindoro
All rights reserved. Powered by
Back to Top
Official Website of Sablayan Legislative Office