
NAPOLCOM Entrance Exam, inilunsad
Matagumpay na namang isinagawa sa Bayan ng Sablayan ang Police Entrance and Promotional Examination na pinangunahan ng National Police Commission sa pakikipag-ugnayan at kooperasyon ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Gob. Eduardo B. Gadiano, Provincial Employment and Services Office na kinatawan ni Andres Castillo at ng Tanggapan ni Vice-Mayor Walter B. Marquez, ika-31 ng Hulyo hanggang ika-1 ng Agosto 2021.
Ang nasabing pagsusulit ay isinagawa sa Sablayan National Comprehensive High School na may bilang na 292 na lalaking examinee sa police entrance at 143 naman ang babae. Samantala, 93 naman ang kumuha ng promotional examination. May mga nagpatala din na hindi nakakuha ng pagsusulit sanhi ng hindi malamang mga kadahilanan.
Matatandaan na simula noong alkalde pa lang si Gobernador Gadiano at sa pamamagitan ni VM Bong Marquez na noon ay kanyang executive assistant, ay nagsimulang mag-host ang munisipyo sa nasabing gawain ng NAPOLCOM na siyang may mandato sa ganitong gawain batay sa Saligang Batas at ang Major Police Reform Laws, Republic Act Nos. 6975 and 8551 na kinilala naman ng Sangguniang Bayan sa paggawad nito sa NAPOLCOM ng isang Ressolusyon kamakailan na kumikilala sa komisyon.
Itinuturing ni VM Bong na ang hakbang na ito ay isang malaking oportunidad sa bayan ng Sablayan sa layuning pandayin ang hanay ng kapulisan at makapag-ambag sa layunin nitong patatagin ang pamunuan ng pulisya at police values para piliin ang mga susunod pang mga lider ng mga pulis.
Naniniwala din ang pangalawang punongbayan na ang mga panlalawigang aktibidad na ganito ay nagtatampok sa mga bayang pinaglulunsaran nito. Pinatatatag din umano nito, ayon kay VM Bong, ang ugnayan ng mga tukoy na pamahalaang pambansa at mga lokal na pamahalaan.