
PAUNANG AYUDA SA MAGNINIYOG, NATANGGAP NA
Pormal na ipinagkaloob ng Philippine Coconut Authority sa pakikipagtulungan ng Office of the Vice- Mayor ng bayan ng Sablayan sa 104 katutubong taga So. Balani, (Tagmaran Mangyan Taobuid Administrative Unit), Barangay Ligaya ang inisyal na obligasyon sa pagpapatupad ng Participatory Coconut Planting Project Phase I, Batasang Pambayan, Hulyo 15.
Matatandaan sa panunungkulan ni Vice- Mayor Bong B. Marquez bilang Sangguniang Bayan ay kanyang isinulong ang pagpapalakas sa industriya ng niyog sa pamamagitan ng pagtatanim nito sa lupaing ninuno at ang Mangyan Taobuid ang kagyat na tumugon kung saan sila ay nakapagtanim ng 14, 872 o tig 143 ang bawat 1 kabahagi ng proyekto.
Tumanggap ng 5,720 ang bawat isa para pakete ng programa, mula sa pagbili ng binhi, pag-nursery, pagtatanim at hanggang sa pag-aalaga.
Ipinahayag din ni IPMR Ruben C. Aldaba ang pagnanais ng Mangyan Alangan at Mangyan Bangon na maging bahagi ng programa kasama ang iba pang Indigenous Cultural Communities at mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas.
Ayon kay Provincial Coconut Development Manager Raul G. Aguilar, tulong ito para maka- igpaw sa kahirapan ang mga katutubo dahil sa dami ng pakinabang mula sa niyog.
Kamakailan lamang, nagkaloob din ang PCA sa pangunguna ni Aguilar ng halagang 5,000 para sa inisyal na 54 na magniniyog ng Sablayan. Bahagi ng Cash and Food Subsidy for Marginal Farmers and Fisherfolks bilang tulong sa epekto ng COVID19 pandemic.
Naging panauhing tagapagsalita din sina Board Member Edwin N. Mintu, Sangguniang Bayan Alfredo C. Ventura, Jr., Robert Z. Dawates at Mark Anthony O. Legaspi. Bilang lokal na mambabatas, ipinangako nila ang pagsusulong ng kaukulang lehislasyon sa kapakanan ng mga magniniyog.
Ipinaabot din ni Marquez ang pasasalamat sa mga programa ng Philippine Coconut Authority kaalinsabay ang pagganyan na makabahagi sa mga programa ng ahensya kasama na ang pagtatala ng lahat ng mga coconut farmers sa buong Sablayan.