Skip to main content

PAWIKAN, NASAGIP NG MGA MANGINGISDA


Isang babaeng pawikan na tinatawag na Olive Ridley Turtle na may sukat na 62×64 centimeters ang nasagip ng mga mangingisda sa So. Pandan, Claudio Salgado, Sablayan, Nobyembre 16, 2021. Hiniling ng mga mangigisda kay Vice-Mayor Bong Marquez na makipag-ugnayan sa DENR para sa pagdudukomento na kaagad naman pinuntahan ng mga kawani ng Kagawaran.
Nagsagawa ng pagsusuri sina Alvin Sanico at Ferdinand Magno ng DENR at nilagyan ng tag ang hayop-dagat bago ito pinakawalan na kabilang sa protokol ng pagpapalaya sa hayop.
Ayon kay Kagawad Metchie Daprosa, madalas makita ang mga pawikan at itlog sa aplaya sa lugar. Ang mga mangingisda na sumagip sa pawikan ay sina Boyet Marcelo at Bong Macalalad na nagsabing nagsusuka umano ang nasabing sea creature nang ito ay sumabit sa kanilang lambat. Sa kanilang hinala, doon sa buhanginang sakop ng aplaya nangingitlog ang babaeng pawikan.
Lubos ang pasasalamat ni VM Bong sa mga mangingisda ng So. Pandan sa pagpapakita ng malasakit sa mga pawikan lalo na sila ay itinuturing na endangered species.
Kahit ang populasyon ng pawikan ay kakaunti na, may mahalagang papel na ginagampanan ito sa kalikasan lalo na sa tinatawag na ocean ecosystems sa pamamagitan ng pananatili na maging malusog ang mga damuhan sa kalaliman ng dagat at mga bahura, sa pagkakaroon ng tirahan sa buhay sa karagatan at iba pa.
Naniniwala si VM Bong na dapat na magkaroon ng mga pampamayanang inisyatiba ukol sa proteksyon, pangangalaga, pagpapalaganap at pagtatampok ng mga pawikan sa bayan ng Sablayan.

Official Website of Sablayan Legislative Office