Skip to main content

PUP SABLAYAN, INAASAHANG TULUYAN NANG MAPOPONDOHAN

Muli na namang nagsanib-pwersa ang mga susing ahensya at personalidad upang tuluyan nang maisakatuparan ang malaon nang inaasam na pagpopondo sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) Sablayan Campus mula sa pamahalaang Pambansa. Ginanap ang pagpupulong noong ika-5 ng Agosto, 2022 sa opisina ng Department of Budget Management, Manila.

Para tuluyan nang matuldukan ang problema sa badyet at pananalapi ng nag-iisang unibersidad sa lalawigan ng Occidental Mindoro, hiniling nina Congressman Odie F. Tarriela, Governor Eduardo B. Gadiano at Sablayan Mayor Bong B. Marquez na ikasa ang pulong na dinaluhan kapwa ng mga opisyales ng PUP at ng Department of Budget and Management (DBM). Kinatawan nina Regional Director Ruby Muro, Director John Aries S. Macaspas, Assistant Secretary Rolando U. Toledo at Undersecretary Willford Will L. Wong ang kagawaran na siyang pangunahing mag-aasikaso sa nasabing kahilingan.

Sa panig naman ng PUP, dumalo rin sina VP for Finance Marisa J. Legaspi, CPA, VP for Branches and Satellite Campuses Pascualito B. Gatan, MBA. Ang pulong ay bunsod na rin ng layuning alisin na sa balikat ng Pamahalaang Bayan ng Sablayan, gayundin ng Pamahalaang Panlalawigan, ang kalakhan sa pondong iginagawad nito sa PUP-Sablayan Campus at tuluyan nang umpisahan ang pagpopondo dito ng pamahalaang pambansa sa badyet para sa taong 2022 at 2023 at tuluyan nang ipatupad ang Republic Act No. 110561 o “PUP-Sablayan Campus Act”.

Nangako ang bawat panig na aayusin nila ang mga dokumento at gagawa ng kagyat na hakbang para mapadali ang tuluyang pagpopondo sa PUP-Sablayan mula sa national fund.

Official Website of Sablayan Legislative Office