
SA DIWA NG BAYANIHAN, KALSADANG SIRA, NAIPAGAWA
Kagyat na tinugunan nina Vice- Mayor Bong B. Marquez, F.A. Torres Construction, Heritage General Merchandise at Gobernador Eduardo B. Gadiano ang kahilingan ng mga magsasaka ng Sityo Katiplok, Panggasak at Pangalkagan, Barangay Ligaya na maipagawa ang kalsadang nag-uugnay sa kabukiran at mga sentrong pamayanan ng Sablayan sa diwa ng bayanihan, Hunyo 27.
Mismong residente ng mga nabanggit na pamayanan ang kusang kumilos sa paggawa ng kalsada na labis na ikinagalak ni Marquez. Kinilala din niya ang pagka- Pilipino ng mga ito kung saan likas ang kultura ng bayanihan sa panahon ng pangangailangan. Nababahala ang mga magsasaka na kung hindi maipapagawa ang daan, tiyak na wala na silang madadaan pa sa pagsapit ng tag-ulan.
Ayon kay Floran M. Cervantes, dekada ng nagpapahirap sa kanila ang kawalan ng maayos na kalsada, at sa panahon ng tag-ulan, triple ang gastusin para maitawid ang kanilang mga produkto.
Ang pagsasaayos anya nito ay pagsiguro sa maalwang paglalakbay ng mga magsasaka sa nabanggit na lugar.
Tumulong din sina dating Kapitan Edgardo D. Hilario, Kagawad Fedelino D. Mateo at Kagawad Dhecster H. Dimaculangan samantalang naghanda naman ng pagkain si dating Sangguniang Bayan Conchita ‘’Ine” H. Dimaculangan, Kagawad Semerlie S. Malibiran, Kagawad Narciso O. Lastra, Kagawad Ponciano M. Debal, Jr. at ang pamilya Cadiao.
Kapag naaprobahan ng Department of Public Works and Highways ang Resolution No. 2020-EDM014 ng Sangguniang Bayan, maisasagawa na rin ang Reopening/ concreting of Old National Highway from Junction MWCR Ligaya to MWCR Malisbong and/ with construction of Pasugui and Pangalkagan Bridge na ultimatum na solusyon sa problema ng mga magsasaka ng Ligaya at Malisbong. Magsisilbi rin itong alternatibong daan.