TABLETS AT ROVERS, IPINAMAHAGI; DORMITORYO PARA SA MGA BATANG MANGYAN, UUMPISAHAN NA


TABLETS AT ROVERS, IPINAMAHAGI
DORMITORYO PARA SA MGA BATANG MANGYAN, UUMPISAHAN NA
Ipinagkaloob ng Sorok Uni Foundation ang 33 tablets at rovers sa mga mag-aaral sa ika-5 at ika-6 na baitang ng Mababang Paaralan ng Inawa Panaynep, sa Sitio Kalamansian, Barangay San Agustin, kamakailan lamang.
Bahagi ng pagpapatupad ang Philippine Cyber Institute para sa proyektong “Mitigating Digital Divide in Education for Ethnic Minority Mangyan Students in the Philippines” na pinunduhan ng Human Asia, Korean International Cooperation Agency at Uni Group of Companies.
Pasasalamat ang tugon ng Kagawaran ng Edukasyon sa proyekto. Ayon kay Ulong Guro Elmer Advincula, ito ang katuparan ng pangarap na makasabay sa bagong teknolohiya. Utang na loob namang maituturing para kay Kuyay Donyano Habangbuhay ang pagbibigay ng de kalidad na edukasyon.
Kaalinsabay nito, naisagawa din ang ground breaking para sa pagtatayo ng dormitory para sa mga kabataang nasa elementarya mula sa mga pamayanang katutubo ng Kimali, Tanguben, Kabinga, Monding, Danginan, Kibanrok, Sibakoy at Kayakak sa Barangay San Agustin, Sablayan.
Ang Sorok Uni Foundation na siyang humanitarian advocacy arm ng Uni Group of Companies na naging tagapagtatag ng malalaking shipping company sa Pilipinas simula noong 1980s ang pangunahing isponsor ng proyekto, katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Kanlurang Mindoro sa pamumuno ni Gobernador Eduardo B. Gadiano.
Binigyang diin ni Sangguniang Bayan Robert Z. Dawates (Tagapangulo ng Lupon sa Edukasyon at kinatawan ni Gobernador Eduardo B. Gadiano) ang kahalagahan ng edukasyon, may pandemya man o wala. Anya, isa itong dakilang pamana, lalo na sa mga katutubo.
Nauna rito ang Resolution No. 2020-SDM067 ng Sangguniang Bayan ng Sablayan at pakikipag-ugnay ng Mindoro Missions Team. Ito ay naglalayong huwag malagay sa panganib ang buhay ng mga mag-aaral mula sa malalayong sityo at pamayanan ng mga batang Alangan Mangyan na nag-aaral sa paaralan sa Inawa Panaynep sa mapanganib na daan papunta at pauwi ng paaralan. Sa dormitoryo na maglalagi ang mga bata sa mga araw na may pasok sa paaralan.
Kapwa kinilala nina VM Marquez at Dr. Jae J. Jang, President, Sorok Uni Foundation ang kahalagahan ng bayanihan at ang patuloy na pakikipag-ugnayan at pagtulong ng Uni Group of Companies sa Bayan ng Sablayan. Walang pinag-iba ito sa pagtulong ng sundalong Pilipino para iligtas ang Koreano sa panahon ng digmaan, pag-alala ni Jang.
Noon pa man, naniniwala si VM Bong na ang pakikipag-ugnayan sa mga kumpanya at Samahan para sa outsourced projects na ganito ay malaki ang maitutulong sa mga mamamayan. “Bahagi rin ito ng sinumpaan ng mga mambabatas sa pagiging layong paglingkuran ang bayan,” aniya.
Dumalo at naging bahagi aktibidad sina IPMR Ruben C. Aldaba, EA Clarinda A. Lorenzo, PGO- Sablayan Sub- Office Administrator, Consultant Fernando B. Dalangin, Women’s Rights Advocate Conchita H. Dimaculangan, Engr. Sergio O. Ramos III, COO, PCI Innovations Tech Center, Inc., April P. Castillo, Executive Director, Sorok Uni Foundation, Inc., Dr. Pastor Maximo Ortiz, Church of God, Prof. & Dorren Benavidez, Dr. Brigida Nicor, Punong Barangay Yolanda B. Patingan at iba pang mga stakeholders.

 


© | Sangguniang Bayan ng Sablayan, Occidental Mindoro
All rights reserved. Powered by
Back to Top
Official Website of Sablayan Legislative Office