Skip to main content

Tatak Obet Lim, MADALING LAPITAN


Hindi man ako lehitimong Sablayeno, ngunit ang bayan ng Sablayan ang natatanging tahanan at pamilya ko.
Marahil ay kilala na ako ng nakararami sa inyo bilang isa sa mga miyembro ng Sangguniang Bayan sa mahigit na dalawang dekada ng aking paglilingkod at sa serbisyo publiko. Ngunit saan ba nag-umpisa ang lahat? At bakit nga ba ang inyong lingkod, Konsehal Obet, ay napadpad sa bayang ito, at naging kaisa ng mga Sablayenos?
Ako ay hindi tubong Sablayan, at kailanman ay hindi ko itinatanggi ito. Ako ay ipinanganak sa bayan ng Angat, Bulacan, at pinaka bata sa limang magkakapatid. Nag-aral ng elementarya at sekondarya sa parehas na bayan, at nagtapos ng kolehiyo sa University of the East sa kursong Bachelor of Science in Business Administration (Major in Accountancy).
Naniniwala akong ang tadhana ang gumawa ng paraan upang mapadpad sa bayang ito. Dekada syetenta (1970s) nang aking unang marating ang lugar na ito. Ako noon ay isang Field Accountant at naging proyekto namin ang dating Health Center na ngayon ay ating Museum na.
Taong 1978 nang aking makilala ang inyong Tita Emma. Pinakasalan at nagsama kami noong June 29, 1987. Simula noon, nanirahan na ako sa bayang ito. Hindi nagtagal kami ay nabiyayaan ng tatlong anak na: sina Kristoffer, Karl Mikhail, at Kaori Mae.
Hanggang sa taong 1994 nang ako ay maging Barangay Treasurer ng Brgy. Buenavista, at dito nagsimula ang pagiging malapit ko sa mga mamamayan ng Sablayan tumagal ito hanggang taong 2000. Naging aktibo rin ako sa ibat ibang organisasyon at gawain sa loob at labas ng ating bayan. Sa mga panahong iyon, ako rin ay naging Presidente ng Rotary Club taong 2000 bago pumasok sa mundo ng pulitika. Naging bahagi rin ako ng Kursilyo at Knights of Columbus sa taong 2003 dahil sa pagnanais ko na maglingkod sa ating simbahan.
Nag-umpisa ang aking karera sa Pulitika taong 2001. Isang malaking desisyon ang aking unang pagtakbo. Pinag-isipan kong mabuti ito at nangalap ng maraming payo buhat sa mga kaibigan pati sa mga simpleng mamamayan na alam kong mas may makatotohanang na pagtingin sa akin at sa papasukin ko. Sa totoo lang, hirap na hirap akong mag-desisyon noon dahil na rin sa wala ni isa man akong kamag-anak dito. Ngunit sa paghihikayat at pagbibigay noon ng malaking impluwensya sa larangang ito, ang aking kumpare at ngayon ay ang ating mahusay na Punong Bayan, Mayor Andres D. Dangeros, ako ay nakakuha sa kanya ng lakas ng loob na buong pusong pasukin ang mundo ng pulitika. Matapos nga ang eleksyon noon, ako ay nagwagi. Tila ba isang swerte o pwede nang ilagay sa kasulatan na isa ako sa mga tumakbo sa pulitika sa isang bayan na walang kamag-anak ngunit nagawang magwagi, kumbaga ito ay isang suntok sa buwan. Kaya simula noon, labis-labis ang aking pasasalamat sa mga Sablayenos.
At simula nang akoy maluklok sa serbisyo, tila ba naging isang malaking pamilya na ang bayan ng Sablayan para sa akin. Sa loob nga ng dalawang dekada ko sa mundo ng serbisyo publiko, magpasahanggang ngayon tinitingnan ko pa rin ito bilang isang napakalaking responsibilidad na nangangailangan ng puso at malasakit. Ito na rin marahil ang pinakamalaking biyaya ng Panginoong Diyos sa akin.
Narito at ating silipin ang aking pagiging isang Konsehal ng bayan ng Sablayan!
Unang Termino: 2001-2004
Sa taong ito, hindi ko inaasahan na ang aking unang pagsubok sa larangan ng pulitika ay makakakuha ako ng unang pwesto. Dito ko naisip na mahal ako ng taga-Sablayan. Sa panahong ito, nahalal ako bilang Presidente ng PHILIPPINE COUNCILORS LEAGUE ng Occidental Mindoro. Isang malaking responsibilidad na sa isang bago sa larangan ay nabigyan ng isang ganitong pagkakataon, at aking buong pusong pinagmamalaki na itoy pinamunuan. Maliban rito, Maliban rito, akin ding pinamunuan ang Committee on Agriculture and Fisheries, Trade Market and Slaughterhouse, at ang Budget and Appropriations sa terminong ito
Ikalawang Termino: 2004-2010
Sa buong terminong ito, aking pinamunuan bilang Chairman ang Committee on Environment and Housing and Land Use. Sa ikalawang pagkakataon ko bilang konsehal, nakita ko ang umaapaw na suporta at tiwala sa akin ng ating mamamayan. Kaya naman, patuloy ako sa paghatid ng serbisyo at sinikap na makapag-akda ng mg ordinansa at resolusyon na tutugon sa kanilang pangangailangan at sa bayang ito.
Ikatlong Termino: 2010-2013
Akin namang pinamunuan ang Committee of Trade and Slaughter House Management bilang Chairman nito. Hindi ko inakala na sa tatlong magkakasunod na termino, hindi ninyo ako binitawan. Ang inyong suporta at pagmamahal ang mas nagbibigay sa akin ng lakas at tiwala na mayroon pa akong magagawa at maiaambag sa pag-unlad ng bayang ito.
Nang sumunod na eleksyon, ako ay nagpahinga. Napagdesisyunan ng aking pamilya na ilaan ko ang buong panahong ito para sa kanila, sa aking sarali, at panandaliang magpaka-pribado muna.
At ngayon nga, ay muli ninyong ipinakita ang pananabik at pagmamahal sa akin na akoy muli ninyong iniluklok at nakuha ang ikawalong (8th) pwesto. Sa aking mga karanasan sa mga nagdaang panunungkulan, iniatang sa akin na pamunuan ang Committee on Rules and Regulations. Sa aking Unang taon, Nakapag ambag ako ng ordinansa na libreng Check-Up ng ating mga Lingkod Bayan sa ating Munisipyo.
Hindi lamang ang maging bukas palad na pag tulong sa ating mga kababayan ang pangunahing gawain ng isang halal na mambabatas, kung hindi ang makapaglikha o makapag-akda ng mga ordinansa, resolusyon, at batas para sa ikauunlad ng ating bayan. Aking ipinagmamalaki na ang inyong lingkod ay nakapag-akda ng 33 Approved Ordinances at 143 Approved Resoulutions simula noong 2001 hanggang ngayon.
Marahil ay madalas ninyo akong nakikitang naglilibot tuwing umaga, nag babahay-bahay, at tumatambay sa mga partikular na pasyalan o lugar dito habang nakikipag kwentuhan. Minsan nakikikain pa nga.
Alam nyo, hindi kailanman naging mahirap sa akin ang maging isang konsehal ng bayan. Bagkus, naging kalakasan sa aking katawan ang maglingkod lalong-lalo na sa mga simpleng mamamayan. Isa itong biyaya, karangalan at utang na loob ko sa bayan ng Sablayan.

Ang inyong Konsehal Obet, bagamat isa ng Senior Citizen, ay patuloy na maglilingkod at mas magiging tutok pa sa pagsasagawa ng mga batas para sa ikauunlad ng ating bayan. Patuloy na susuportahan at laging nasa likod ng magagandang proyekto at hangarin ng ating masipag na Mayor Andres D. Dangeros. Ang bukas palad na pagtulong, maliit man o malaki ay ibibigay ko sa mamamayan ng Sablayan.
Patuloy kong isusulong ang TAPAT NA SERBISYO PARA SA BAYAN AT MAMAMAYAN NG SABLAYAN.
Tatak Obet Lim, MADALING LAPITAN. Mahal ng isang Obet Lim ang bayan ng Sablayan!
#LagingInyongMaaasahan
#NinongNgBayan
#NinongObet

Official Website of Sablayan Legislative Office