
TESDA at ABE, sa Programang AFMech
Matagumpay na nagsipagtapos ang may limampung (50) kumuha ng Rice Machinery Operation (RMO) NC II sa ilalim ng programa ng TESDA-Occidental Mindoro sa pakikipag-ugnayan sa bagong tatag na Agricultural and Biosystem Engineering (ABE) Unit ng Provincial Governor’s Office o PGO. Ang programa ay isinulong nina Gov. Eduardo B. Gadiano, TESDA Provincial Director Rosalina Orlina-Reyes at ng Tanggapan ni Vice-Mayor Bong Marquez ng Sablayan.
Ang ABE ay itinatag batay sa Agricultural and Fisheries Mechanization (AFMech) Law o ang RA 10601.
Ang pagtatapos ay isinagawa sa Sangguniang Bayan Hall sa loob ng Legislative Building sa Brgy. Buenavista, Sablayan, Occidental Mindoro. Kaalinsabay ng pagtatapos ay ang probisyong mechanical tools para sa mga nagsipagtapos.
Ayon kay Engr. Rodolf S. Asejo, ABE Focal Person, ang mga kagamitang ipinamahagi ay inaasahang magbibigay ng motibasyon sa mga graduates na ipagpatuloy ang kanilang mga pinag-aralan at sa pagtulong sa sakahan. Ayon pa rin kay Asejo, ang farm mechanization toward farming modernization ang pinakalayon ng programa at isa ito sa mga thrusts ng ABE. Maliban kay PD Reyes, kinatawan din ni G. Ralph Santos ang TESDA na siyang in-charge sa TESDA Provincial Training Center sa Sablayan.
Sa kanyang talumpati, inihanay ni Gov. Gadiano ang kanyang mga nagawang proyektong pansakahan sa loob lamang ng dalawang taon at walong buwan niyang panunungkulan. Ayon sa gobernador, mas mapapalawig ang pagtulong sa mga magsasaka kung mayroong sapat na pondo para dito. Binati niya ng Happy Women’s Month ang mga nagsipagtapos na karamihan sa kanila ay mga kababaihan.
Binati naman ni VM Bong ang mga nagsipagtapos at nangakong kanyang patuloy na itataguyod ang kapakanan ng mga magsasaka at sa kanilang pagtanggap sa hamon at inaasahan niya silang maging competent operators at instructor ng paggamit ng mga makinaryang pansakahan tulad ng power tillers, reaper, tractors at iba pa.
Kabilang sa mga dumalo at sumaksi sa programa ay sina Bokal Edwin N. Mintu, SB Marffin Dulay, McKing Legaspi, Jun-Jun Ventura at mga SB aspirants Nanding Dalangin, Clarinda Alvarez-Lorenzo at Inie Dimaculangan.
Ayon sa ulat, atrasado ng 10 taon ang bansa sa usapin ng mekanisasyon ng sakahan at inaasahan na muling magsasagawa ang TESDA ng Trouble Shooting and Servicing bilang agapay sa bayan ng Sablayan at sa buong lalawigan.