
VM BONG, IGINIIT ANG PAGLAGAK SA SABLAYAN SA MGA LABI NI KALIBASIB
Sa pagdiriwang ng Buwan ng Tamaraw at sa paggunita ng unang anibersaryo ng kamatayan ni Kalibasib ay muling iginiit ni Sablayan Vice-Mayor Bong Marquez ang kanyang kahilingan sa Tamaraw Conservation Program ng DENR na ang pinatuyong mga labi ng nasabing tamaraw ay ilagak sa bayan ng Sablayan.
Sa kanyang liham kay Neil Anthony Del Mundo, Tamaraw Conservation Program coordinator ng DENR, ipinanukala at hiniling ni VM Bong na handa ang Sablayan na maging host kay Kalibasib na kamakailan lamang ay dumaan sa proseso ng taxidermy na ngayon ay nasa pangangalaga nang tuluyan ng DENR. Namatay dahil sa katandaan si Kalibasib Oktubre 10 noong isang taon.
Ginawang tuntungan ni VM Bong sa kanyang panukala ang naunang Resolusyon ng Sangguniang Bayan na ito tuluyang ilagak sapagkat sa lahat ng bayan sa lalawigan, tanging ang Sablayan lamang ang may operational na museum sa ilalim ng Municipal Tourism Office nito. Ikinatwiran ng Resolusyon na tama lamang ito dahil ang ina ni Kalibasib na si Mimi ay kinuha mula sa Mounts Aruyan, Malati- Siburan, na sakop ng bayan ng Sablayan, bagamat sa genepool na isinilang, lumaki at namatay si Kalibasib.
Idinagdag pa ni VM Bong na dahil sa pagiging sentrong bayan ng lalawigan ang Sablayan, may lalong magiging accessible ito para sa mga kampanyang pang-edukasyon at pangkulturang pagtataguyod ng hayop na sa isla lang ng Mindoro matatagpuan o sa communication, education and awareness program ng departamento. Maliban sa TCP, pinatungkulan din ng kahilingan ang Protected Area Management Board ng Mts. Iglit-Baco Natural Park.
Sa Resolution No. 2020-GGM133 na akda ni VM Bong, iginiit nito na may karapatan ang bayan na tuluyang kumupkop kay Kalibasib dahil nga nagmula sa bayang ito ang ina ng tamaraw na kinuha sa teritoryo ng bayan noong 1980 kaya dapat lang na maibalik ito kung saan kinuha ang kanyang magulang at angkan.