
Water Pumps at iba, ganadong ipinagkaloob sa mga Taga-Barangay Ilvita
Pinangunahan ni Gobernador Eduardo B. Gadiano ang pagkakaloob ng water pumps at iba pang serbisyo para sa mga organisadong grupo ng mga magsasaka sa Barangay Ilvita, Sablayan, Occidental Mindoro bilang bahagi ng Ganadong Serbisyo at ayuda sa maunlad na agrikultura, Mayo 12.
Kinilala ni Gob Ed ang ginagampanang papel ng mga magsasaka masiguro lamang na may sapat at masustansyang pagkain sa hapag ng bawat pamilya lalo na’t ang buong lalawigan ay nasa ilalim ng COVID19 pandemic at apektado ng krisis sa klima.
Ngayong panahon ng tag-init, mahalagang may mapagkukunan ng tubig upang magpatuloy ang produksyon sa kabukiran. Ang Barangay Ilvita ay isa sa mga nagsu-supply ng pagkain sa Sablayan at buong lalawigan.
Hinikayat naman ni Board Member Edwin N. Mintu ang lahat na pataasin ang antas ng magandang relasyon at partisipasyon ng mga mamamayan sa programa ng pamahalaan. Isa anyang pamamaraan ito sa pag- akses ng mga batayang serbisyo at kabuhayan.
Suportado naman ni Vice- Mayor Bong B. Marquez ang programa sa agrikultura. Bahagi ito ng Bawat Barangay Matibay para sa Mas Maunlad na Sablayan. Naniniwala si Marquez na makakamit ito magkakaugnay at kikilos ang pamahalaan para matulungan ang mga nasa laylayan ng lipunan.
Bahagi din ng konsultahang nayon sina Sangguniang Bayan Alfredo C. Ventura, Jr. at Mark Anthony O. Legaspi, mga kinatawan mula sa Office of the Provincial Agriculturist at Pamahalaang Pambarangay ng Ilvita.